President Rodrigo Duterte Act kung saan gagawing krimen ang “extraordinary rendition,” inihain ng isang senador

Isinusulong sa Senado ang panukalang batas na tatawaging President Rodrigo Duterte Act kung saan gagawing krimen ang “extraordinary rendition” tulad ng ginawa kay dating Pangulo Duterte na sapilitang ibinigay para litisin sa dayuhang bansa.

Sa ilalim ng Senate Bill 557 na inihain ni Senator Imee Marcos, ang extraordinary rendition ay tumutukoy sa sapilitang paghahatid ng sinumang naririto sa Pilipinas patungo sa ibang bansa o teritoryo kung saan ito ay iimbestigahan, uusigin, ikukulong o ipapabitay.

Nakasaad sa panukala na ituturing na krimen kapag binitbit ang isang tao mula sa Pilipinas sa international court, international tribunal o international organization nang walang pinagsasandigan na tratado o kasunduan at walang warrant of arrest mula sa lokal na korte.

Kasama rin sa ituturing na krimen ang pag-aresto, pagbilanggo at pag-uusig na batay lamang sa utos ng international court, tribunal o organization na hindi kinikilala ng Pilipinas dahil walang kasunduan at kapag walang permit mula sa Department of Justice at sa Department of the Interior and Local Government.

Oras na ito’y maging ganap na batas, maaaring makulong ng apat na taon hanggang 20 taon ang lalabag dito.

Paliwanag ni Sen. Marcos, layon ng pagsusulong ng panukalang batas na hindi na maulit ang ginawa kay dating Pangulong Duterte na ibinigay ng Pilipinas sa foreign jurisdiction nang walang utos at walang warrant of arrest na mula rito sa korte sa bansa.

Facebook Comments