Kinasuhan na ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang presidente ng Homeowner’s Association ng Matandang Balara sa Quezon City.
Ito ay matapos umano nitong payagan ang pagsasagawa ng reception ng kasalan at inuman sa kaniyang nasasakupan sa gitna ng pandemyang kinakaharap ng bansa.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, batay sa impormasyong ibinigay ng isang contact tracer, mismong ang presidente ng lugar ang nagbigay permiso na magsagawa ng kasal at inuman.
Kinasuhan naman ito ng paglabag sa Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
Maliban sa presidente, sinabi rin ni Belmonte na naglabas na rin ng show cause order ang Quezon City LGU laban kay Matandang Balara Barangay Chairman Allan Franza dahil sa insidente.
Matatandaang pumalo na sa 72 ang bilang ng mga residenteng nagpositibo sa COVID-19 matapos ang nasabing pagtitipon.