Presidente ng homeowners association sa viral Q.C. pool party, pinakakasuhan na

Pinakakasuhan na ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang presidente ng homeowner association sa Phase 3 ng Barangay Nagkaisang Nayon kung saan naganap ang dalawang pool party.

Ayon kay Belmonte, umakyat na sa 55 indibidwal na nakiisa sa pool party ang nagpositibo sa COVID-19.

Kabilang aniya sa mga ito ay mga menor de edad at senior citizens na nagpapagaling na sa city isolation facilities.


Sa ngayon, hinihintay pa ng City Epidemiology and Surveillance Unit ang resulta ng 17 pang swab test.

Una nang nag-viral ang street pool party sa lugar noong May 9, at inuman at videoke session noong May 11 kasabay ng Pista ng San Isidro Labrador na paglabag sa mass gathering.

Pinadalhan na rin ng City Legal Department ng show cause order si Barangay Chairman Feliciano dela Cruz kung saan iginiit niya na hindi niya alam ang nangyaring pool parties.

Facebook Comments