Inihayag ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na nakatanggap sila ng ilang mga sumbong at iregularidad sa pamamahagi ng ayuda sa National Capital Region (NCR).
Nabatid na sa unang araw pa lamang ng pamimigay ng ayuda ay nagpakalat na ng mga tauhan ang PACC upang siyasatin kung naipapamahagi ba ng wasto ang pondo para sa mga indibidwal na kwalipikadong makatanggap ng ayuda.
Inatasan din ang mga tauhan ng PACC na i-monitor ang pamamahagi ng ayuda sa lahat ng mga lugar kung saan ito ginagawa.
Pero dahil sa mga naturang reklamo hinggil sa ayuda ay nakatakdang ipatawag ng PACC ang mga kinatawan mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga Local Government Unit (LGU) na sangkot sa reklamo.
Nais ng PACC na pagpapaliwanagin ang DSWD hinggil sa reklamo at hihingan ng agarang solusyon.
Panawagan naman ng PACC sa mga nais magreklamo hinggil sa nasabing pagbibigay ng ayuda, maaari silang magsumbong sa numerong 0906-6927324 o kaya mag-email sa complaints@pacc.gov.ph.