Umaabot sa 597 presidential nominations at ad interim appointments ang nakumpirma ng Commission on Appointments o CA sa first regular session ng 19th Congress.
Inihayag ito ni CA assistant minority leader at Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel.
Kanyang binanggit na kasama sa mga nakumpirma ng CA ang 21 Cabinet secretaries, limang constitutional commissioners, 119 foreign service officers, 451 military officers, at isang miyembro ng Judicial and Bar Council o JBC.
Ayon kay Pimentel, base sa 1987 Constitution kailangang lumusot sa CA confirmation ang mga itinalaga ng pangulo ng bansa na kinabibilangan ng mga kalihim o pinuno ng bawat departamento, ambassadors, mga public ministers at consuls.
Kasama rin sa dapat makumpirma ng CA ang mga opisyal ng Armed Forces mula sa rangong colonel o naval captain gayundin ang regular members ng JBC.
Binanggit din ni Pimentel ang mga chairpersons at commissioners ng Civil Service Commission, Commission on Elections, at Commission on Audit.