Aminado si presidential aspirant Senador Panfilo “Ping” Lacson na hindi siya nakararamdam ng frustration kahit iba ang inendorso ng Partido Reporma na presidential candidate sa nalalapit na halalan.
Ayon kay Lacson, sa halip na frustrated o disappointed, mas lalo siyang nabigyan ng dahilan para magsumikap na lumaban hanggang sa matapos ang eleksyon.
Nauna nang inanunsyo kanina sa isinagawang press conference sa General Santos City ni Lacson ang kaniyang pagbibitiw bilang chairman ng Partido Reporma matapos na malaman na iba ang inendorso na kandidato ng partido sa pagkapangulo.
Tiwala si Lacson na kaya niyang mangampanya mag-isa bilang independent candidate kasama ang kaniyang ka-tandem na si vice presidential aspirant Vicente “Tito” Sotto III.
Kinumpirma rin ni Lacson na nagpahayag sa kaniya sina Partido Reporma senatorial aspirant Dra. Mingguita Padilla at dating Philippine National Police (PNP) Chief Guillermo Eleazar na sasama pa rin sa ilang lugar sa kampanya ni Lacson.
Sinuportahan naman ni NPC Senatorial Candidate dating Department of Agriculture Secretary Manny Piñol si Lacson kasabay ng pagpapaliwanag na ayaw aniya ng Pilipino na may inaapi dahil kinakampihan nila at binubuhat ang iniiwan sa ere.