Inihayag ni presidential candidate Senador Panfilo “Ping” Lacson na kung ayaw suspindehin ang E-Sabong o online cockfighting, dapat umanong maghigpit na lang mabuti ang Philippine Amusement and Gaming Corp. o PAGCOR sa operasyon nito.
Ang pahayag ay ginawa ni Lacson matapos tutulan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Senado na suspindehin ang operasyon ng E-Sabong hangga’t hindi nareresolba ang kaso ng mga nawawalang sabungero.
Paliwanag ni Lacson, dapat off-site na lang ang operasyon ng E-Sabong dahil kung online, hindi umano ito masyadong natutukan o namo-monitor ng PAGCOR.
Nauna nang inihayag ni Pangulong Duterte na hindi siya pabor na suspindehin ang operasyon ng online cockfighting dahil sa bilyong pisong kinikita ng gobyermo mula rito.
Matatandaan na sinabi ni PAGCOR Chief Andrea Domingo na tinataya nilang makakakolekta sila ng hanggang ₱8 bilyon revenue mula sa E-Sabong ngayong taong ito.