Naniniwala si Partido Reporma presidential bet Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson na hindi dapat hayaan ng pamahalaan na saluhin ng mga ordinaryong Pilipino ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis na nagreresulta sa pagsirit din ng halaga ng mga pangunahing bilihin sa merkado dahil mayroon namang legal na paraan para masolusyonan ito.
Ayon kay Lacson, kung siya ay papalarin na maging pangulo ng bansa sa susunod na anim na taon, dalawang hakbang ang ipatutupad niya para matugunan ang inflation o pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Paliwanag ni Lacson, una niyang gagawin ay ang pagpapataas sa produksyon ng ating mga pangangailangan gamit ang lokal na mga materyales at pangalawa ay ang pagpapalakas sa aksyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Dagdag pa ni Lacson, gumawa na siya ng mga hakbang sa Senado para mapigilan sana ang malalang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa pamamagitan ng pagpasa sa Tax Reform Package o TRAIN 2.
Hinikayat din ni Lacson ang Department of Finance (DOF) na ipaglaban ang pag-amyenda sa batas upang masuspinde ang excise tax na katumbas ng Php 10 sa nakokolektang buwis ng pamahalaan.