Presidential bid ni Pacquiao, hindi na ikinagulat ng Cusi faction sa PDP-Laban; ‘highjacking’ sa partido, itinanggi!

Iginiit ng paksyon sa Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan o PDP-Laban na pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi na walang nangyayaring ‘highjacking’ sa loob ng partido.

Kasunod ito ng akusasyon ni Senador Koko Pimentel sa tila paninira at pananakop nina Cusi sa partidong itinatag ng kaniyang ama.

Katunayan, sabi ni PDP-Laban Secretary General Melvin Matibag, nagsimula ang gulo sa partido nang magkaroon ng personal na ambisyon si Senador Manny Pacquiao na maging pangulo.


Kaya aniya, hindi na sila nagulat nang pormal na ianunsyo ni Pacquiao ang pagtakbo nito sa May 2022 presidential elections.

“Mukang may storyline na talaga, from comedy to drama probably ending in tragedy,” ani Matibag.

“Tsaka sana maalala si Senator Koko Pimentel, siya po’y naging presidente ng Senado sa tulong ni President Rodrigo Roa Duterte at nang siya po’y natanggal sa Senado isa sa pinakaunang pumirma si Senator Pacquiao,” dagdag niya.

Giit pa ni Matibag, sa halip na akusahan sila ng pangha-highjack ay mas dapat ipaliwanag nina Pimentel kung saan napunta ang P100 milyong pondo ng partido.

“May kaso na po, nag-file na ng kaso yung isang PDP-Laban member na si Reymar Mansilungan. Base ho sa sinasabi nila, ang miyembro ngayon ng PDP-Laban ay 100,000 at sumingil po ng P1,000 fee so P100 million po yung pera, wala pong maipaliwanag yung in-appoint na treasure ni Senator Pimentel,” ani Matibag sa interview ng RMN Manila.

Facebook Comments