Nirerespeto ni presidential candidate at Senador Panfilo “Ping” Lacson ang ginawang pag-endorso ng Iglesia ni Cristo (INC) sa tandem nina presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at vice presidential candidate Sara Duterte.
Ayon kay Lacson, personal choice ito ng naturang grupo kaya’t iginagalang niya ang naturang hakbang.
Paliwanag ni Lacson na bagama’t malaking tulong aniya ang ganitong endorsement ay hindi naman garantiya na mananalo ang sinumang ieendorso ng INC.
Ito rin ang nakikitang downside ng beteranong senador sa mga survey dahil kahit papaano aniya ay naaapektuhan nila ang mga desisyon ng mga posibleng grupo o indibidwal na nais sanang sumuporta o magpondo sa kanilang kampanya.
Paliwanag ni Lacson na bagama’t hindi pa tapos ang kampanya, may assessment aniya siya kung saan sila nagkulang at isa umano diyan ay sa social media.
Pero nilinaw ni Lacson na hindi pa sila sumusuko sa laban at kakayanin pa naman umano nila humabol sa mga nalalabing araw ng kanilang pangangampanya.