Handang mag-i-inhibit si Presidential candidate Senador Panfilo “Ping” Lacson kung matutuloy ang pagdinig ng Senado sa sinasabing hindi nabayarang estate taxes ng pamilya Marcos.
Ayon kay Senador Lacson, dahil sa sangkot sa usapin ang kalaban niya sa presidential elections na si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kaya’t mas makabubuti nang hindi siya makilahok sa naturang imbestigasyon.
Ginawa ni Lacson ang reaksyon sa isinagawang ambush interview ng mga mamamahayag sa kanilang pagbisita ng kaniyang ka-tandem na si vice presidential candidate Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa lalawigan ng Romblon.
Plano ni SP Sotto na kausapin si Senador Koko Pimentel na naghain ng Resolution para sa Senate investigation sa kabiguan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na makolekta ang utang sa buwis ng pamilya Marcos.
Paliwanag ni Sotto na nais niyang alamin kay Pimentel ang referral ng nakasaad sa Resolusyon.
Ipinaliwanag ni Sotto na maaaring mai-refer ang Resolusyon sa Senate Blue Ribbon Committee na maaari nang magsagawa ng Moto Propio investigation.
Pwede rin aniyang ibigay ang pagsisiyasat sa Senate Committee on Finance of Ways and Means kasabay ng pahayag na wala siyang nakikitang hadlang sa pagsisiyasat at maaari itong simulan kahit naka-break ang Senado.