Tinabla ni Partido Reporma presidential candidate Senador Panfilo Lacson ang panawagan ni vice presidential candidate Rizalino David na magkaroon ng koalisyon para puntiryahin o targetin ang nangunguna sa survey na si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Mayor Sara Duterte.
Ito ang naging tugon ni Senador Lacson sa isinagawang press conference sa Castillejos, Zambales kung saan iginiit aniya ni David na magkaisa na ang mga kandidato para labanan o puntiryahin ang nangunguna sa survey na BBM-Sara UniTeam.
Ayon kay Lacson, tutol siya sa panawagan na ito dahil tumakbo siya para tugunan o bigyan ng solusyon ang problema ng bansa hindi upang sirain o puntiryahin ang isang kandidato.
Paliwanag pa ni Lacson, nagdesisyon sila ng kanyang vice presidential candidate na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na tumakbo sa halalan para magsilbi sa bayan at hindi para sa sariling interes.
Muling ipinaalala ng Lacson-Sotto tandem na hindi kandidato ang kanilang kalaban kundi ang pandemya, kahirapan, kawalan ng hanapbuhay at malaking utang ng gobyerno na dapat na bayaran at sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Dagdag pa ni Lacson na kapag pinuntirya ang isa o dalawang kandidato, hindi ka umano tumatakbo para magsilbi sa bayan kundi para sa sariling interes at hindi ka umano nararapat na maging pangulo ng bansa.