Naglatag ng ilang kautusan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bawat ahensya ng pamahalaan sa gitna ng epekto ng Bagyong Kristine.
Sa isang pahayag, muling tiniyak ng Pangulo na makararating ang tulong sa mga apektado ng bagyo, ito man ay sa pamamagitan ng kalupaan, karagatan, o himpapawid.
Kabilang sa utos ng Pangulo ang full-mobilization ng iba’t ibang assets at pag-cancel sa mga leave ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Philippine Coast Guard (PCG).
Ipagagamit na rin ng Pangulo ang presidential helicopters para sa rescue o relief operations.
Bukod dito, inatasan din ang Department of Budget and Management (DBM) na kaagad mag-release ng mga kinakailangang pondo para sa disaster response.
Habang pinababantayan naman sa Department of Trade and Industry (DTI) ang mga posibleng profiteering, at matutukan ang price control sa mga lugar na nasalanta.
Inatasan na rin ang Department of Agriculture (DA) na mag-deploy ng Kadiwa rolling stores sa mga apektadong lugar, para maraming tao ang maabutan ng pagkain.