Hindi kasama sa drug watchlist ng PNP ang Economic Adviser ng Pangulong Rodrigo Duterte na si Michael Yang.
Ito ang inihayag ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde matapos ang pahayag ni dismissed PDEG Deputy Director For Administration Eduardo Arcieto na may hawak syang intelligence report na nagpapatunay na sangkot sa illegal drugs si Michael Yang at isinumite nya noon kay dating PNP Chief Gen Ronald Bato Dela Rosa.
Ayon kay Albayalde kung pagbabasehan ang kanilang intelligence monitoring hindi kailanman namomonitor si Michael Yang na nasangkot sa transaksyon ng iligal na droga at anumang iligal na aktibidad.
Hindi rin daw naiturn over kay PNP Chief Albayalde ni Dating PNP Chief bato ang sinasabing intel report na sinasabing may kaugnayan si Yang sa mga drug trade sa bansa.
Sa kabila naman na wala sa drug watchlist at wala sa radar ng intel unit ng PNP sina Michael Yang at isa pang nagngangalang Allan Lim magsasagawa naman ang PNP ng beripikasyon sa mga impormasyon kanilang natatangap.
Kung mapapatunayan na sangkot si Yang sa illegal drug trade at iba pang iligal na aktibidad hindi magdadalawang isip ang PNP na ipatupad ang batas.