Nakatakdang pagdesisyunan ngayong araw ng Korte Suprema na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET) sa Initial Recount ng Electoral Protest ni Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.
Ito’y ilang araw bago magretiro ngayong buwan si Supreme Court Chief Justice Lucas Bersamin at Senior Associate Justice Antonio Carpio.
Ayon kay Atty. Romulo Macalintal, abogado ni Robredo, dapat sundin ng PET ang mga panuntunang itinakda nito.
Kabilang ang Rule 65 na magiging basehan kung dapat bang ituloy ang recount sa iba pang lugar kung saan nadaya umano si Marcos matapos bilangin ang tatlong Pilot Provinces na pinili niya.
Kinukwestyon din ng kampo ni Robredo ang sinasabing ‘third cause of action’ ng panig ni Marcos na layong ibasura ang mga boto sa Basilan, Lanao Del Sur, at Maguindanao dahil sa nangyaring terorismo, karahasan at pananakot.
Giit ng VP Camp, dalawa lamang ang cause of action ni Marcos, ito ay ang: Annulment of the Proclamation of the Vice President; at ang Annulment of Results and Recount.
Depensa ni Atty. Vic Rodriguez, Legal Counsel ni Marcos, mas mabuting igalang ni Robredo ang patakaran ng PET.
Pinaaalahanan din nag Bise Presidente na posibleng mabasura ang kanyang Counter-Protest kapag hindi nito nabayaran ang cash deposit na kailangan sa paghain ng protesta.
Matatandaang pinagbabayad ang kampo ni Robredo ng kabuoang 15.43 Million pesos para sa mga gagastusin sa recount.