Manila, Philippines – Pinaboran ng Korte Suprema na tumatayo ring Presidential Electoral Tribunal (PET) si dating Senator Bongbong Marcos sa isyu kung sino ang dapat magbayad ng “overseas storage” ng election materials kaugnay sa election protest nito laban kay Vice President Leni Robredo.
Sa resolusyong inilabas ng PET, iginiit nitong ang Commission on Elections (COMELEC) ang dapat na gumastos sa overseas storage ng ipinoprotestang election materials sa nakalipas na eleksiyon.
Una nang iginiit ng COMELEC na si Marcos ang bumalikat sa storage fees ng mga ballot boxes at iba pang election materials na nasa ibayong dagat para proteksyunan bunga ng Precautionary Protective Order (PPO) na inisyu ng PET.
Gayunman, sinopla sila ng PET sa pagsasabing kahit may inisyu silang PPO ay hindi naman sila pinagbabawalan na ibiyahe ang mga balota at iba pang election materials.