Kumpyansa si Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile na maibabasura ng Korte Suprema ang Public Service Act (PSA) sa kabila ng paglalabas ng National Economic and Development Authority (NEDA) ng implementing rules and regulations o IRR ng batas.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado patungkol sa pag-amyenda ng Konstitusyon sa pamamagitan ng Constitutional Convention (ConCon), naitanong ni Committee on Constitutional Amendments Chairperson Senator Robin Padilla kay Enrile ang paglalabas ng NEDA ng IRR lalo’t taliwas umano ito sa nakasaad sa Saligang Batas.
Sa palagay ni Enrile, maibabasura ng Supreme Court ang PSA maliban na lamang kung mayroong nag-amyenda ng Konstitusyon na hindi natin nalalaman.
Sa ilalim kasi ng ipinasang PSA ay pinapayagan ang 100 percent foreign ownership sa ilang public services tulad ng airports, railways, expressways at telecommunications taliwas sa nakasaad sa Saligang batas na limitado lang sa 40 percent ang dayuhang pagmamay-ari sa mga nasabing public utilities.
Hindi aniya bastang pwedeng baguhin ito maliban na lamang kung unang inamyendahan ang mismong Konstitusyon.
Kung nakasingit aniya sa economic provisions ng Konstitusyon ang ‘unless otherwise provided by law’ ay maaaring tanggalin pansamantala ang 60-40 policy at gawing 100 percent ang foreign ownership sa ilang piling serbisyo.
Ipinunto pa ni Enrile na ang Constitution ang ‘ultimate legal organ’ ng lipunan at hindi basta-basta babalewalain ng mga ipinasang batas at i-modify na hindi dumadaan sa Constituent Assembly, Constitutional Convention o sa People’s Initiative.