Hiniling ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” Magsino kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na pagkalooban ng pardon si Mary Jane Veloso.
Ito ay para maibalik ang dignidad nito at maipakita sa buong mundo ang pagbibigay proteksyon sa mamamayang Pilipino.
Ang nabanggit na panawagan ay nakapaloob sa House Resolution 2139 na inihain ni Magsino para sa kapakanan ni Veloso na nabilanggo sa Indonesia mula noong 2010 dahil sa kasong drug trafficking.
Tinukoy ni Magsino sa resolusyon ang iginigiit ni Veloso na wala siyang alam sa ilegal na droga at sa halip ay biktima lamang sya ng human trafficking.
Binigyang-diin ni Magsino na ang kaso ni Veloso ay patunay ng panganib na kinakaharap ng mga Overseas Filipino Workers na nangangailangan ng agarang aksyon ng gobyerno.
Sa nalalapit na pagbalik sa bansa ni Veloso ay umaasa si Magsino na hahantong ito sa piling ng kanyang pamilya sa halip na lilipat lang ng kulungan sa Pilipinas mula sa Indonesia.