Humingi na ng tulong sa Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines ang Office of the Presidential Adviser for Peace Reconciliation and Unity (OPAPRU) para mapigilan ang escalation ng tensyon sa pagitan ng mga tribo sa Sadanga, Mountain Province at Tinglayan, Kalinga.
Ito’y sa gitna ng away ng mga tribo doon dahil sa pagpatay sa isang mangangaso mula sa Brgy. Bekigan, Sadanga, Mountain Province mahigit isang linggo na ang nakaraan.
Ayon kay acting OPAPRU Secretary Isidro Purisima labis niyang ikinalulungkot ang nasabing insidente kasabay ng panawagan sa mga tribo na huminahon.
Hinimok din ni Purisima ang mga elder ng magkatutunggaling tribo at mga lokal na pamahalaan ng Kalinga at Mt. Province na magkaisa para resolbahin ang usapin upang maibalik ang kapayapaan sa naturang lugar.