Hinikayat ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite ang pamahalaan na gamitin na ang “Presidential pork barrel” para sa cash aid sa mga manggagawa.
Ito ay matapos na isuspinde na muna ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagtanggap ng aplikasyon sa mga employers para sa COVID-19 Adjustment Measure Program (CAMP) na cash assistance sa mga empleyadong tumigil o nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 bunsod na rin ng kakulangan na sa pondo.
Iginiit ni Gaite na panahon na para gamitin agad bilang ayuda ang Confidential at Intelligence Funds (CIFs) ni Pangulong Duterte.
Binigyang diin pa ng kongresista na maging ang Department of Budget and Management (DBM) ay inihayag na available ang nasabing pondo kaya naman anumang oras ay pwedeng gugulin o gamitin ito ng Pangulo.
Sa ngayon ay may naiwan pang 1 million na applications para sa ₱5,000 na cash assistance sa mga manggagawa.
Aabot naman sa 1.8 million ang mga manggagawang apektado ng lockdown pero tinatayang nasa 435,000 lamang ang nabigyan ng cash aid ng DOLE na nasa ₱2 Billion.
Tinukoy pa ng kongresista na mayroong ₱4.5 Billion na President’s pork barrel na bukod pa sa CIF ng ibang ahensya at ito ay sapat na para mabigyan ng tulong ang iba pang mga manggagawa na nangangailangan sa gitna ng krisis.