Maaaring gamitin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Presidential Social Fund (PSF) para sa rehabilitasyon ng Philippine General Hospital (PGH) na nasunog.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, handang tulungan ng Malakanyang ang PGH sa rehabilitasyon para agad na makabalik sa normal na operasyon ng nasabing pagamutan.
Aniya, naglalaan si Pangulong Duterte kada buwan ng P25 milyong pondo para sa PGH.
Sabi pa ni Roque, tutulong na rin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para magsagawa ng assessment sa structural damage ng nasunog na bahagi ng PGH para agad na makumpuni.
“Kung anong kinakailangan po ngayon para ma-repair ang mga damage ay puwede pong i-tap iyong Presidential Social Fund dahil iyan po ay dati na pong in-offer sa PGH. So iyan po ‘yung unang-unang reaksiyon ni Presidente, at pinapunta nga po niya kaagad ‘no iyong ating NTF, si Secretary Galvez, Secretary Vince na nanggaling na po diyan sa PGH. At siyempre po top priority ng DPWH iyong pagri-repair ng mga na-damage sa PGH,” ani Roque.
Umaasa ang Malakanyang na sa lalong madaling panahon ay makabalik sa normal na operasyon ang PGH lalo’t ginagamit ito bilang premier referral hospital sa mga tinatamaan ng COVID-19.