Ipinagtanggol ni Department of Labor and Employment Sec. Silvestre Bello III si Presidential Spokesman Harry Roque matapos siyang ulanin ng batikos dahil sa kanyang naging komento na masaya umano ang pamahalaan na 45.5 percent ang unemployment sa bansa at hindi umabot ng 100 percent.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Bello na kaya nasabi iyon ni Roque ay dahil alam na niya ang totoong bilang ng mga nawalan ng trabaho, taliwas sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) na 27.3 milyong indibidwal o 45.5% ng adult labor force ang unemployed bunsod ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Bello, nasa 3.3 milyong pilipino lamang ang actual joblessness kung saan nasa 164,000 lang ang permaneteng nawalan ng trabaho at ang iba ay temporary lang, base na rin sa mga negosyong nagpasabing magbabawas ng mga manggagawa o tuluyang magsasara.
Una nang inihayag sa interview ng RMN Manila ni Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) Spokesman Alan Tanjusay na isang “iresponsable” ang naging pahayag ni Roque.
Sinabi ni Tanjusay na bagamat ilan sa mga manggagawa ay pansamantala lang na nawalan ng trabaho, bagsak naman na ang torismo, service sector habang naghihingalo na ang sektor ng electronics at garments.
Kaya babala ni Tanjusay, tutukan ng gobyerno ang agricultural sektor na hindi maapektuhan ng COVID-19 upang hindi mauwi sa food shortage ang bansa.