Manila, Philippines – Binigyang diin ng Palasyo ng Malacañang na buo pa rin ang tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Customs Commissioner Nicanor Faeldon.
Ito ang sinabi ng Malacañang matapos itanggi ni Finance Secretary Carlos Dominguez na siya ang naglabas ng pahayag na may tiwala pa ang Pangulo kay Faeldon matapos ang kanilang pulong kahapon sa Malacañang.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, inihayag ng Pangulo kay Faeldon ang kanyang tiwala.
Inatasan pa aniya ng Pangulo si Faeldon na ipapatuloy ang kanyang trabaho sa BOC bilang pinuno nito.
Sa bukod na panayam ay sinabi naman ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na dapat ay hayaan nalang si Faeldon na magtrabaho at sigurado namang may natutunan ito matapos makalusot sa kanila ang 6.4 billion pesos na halaga ng Shabu.
Iginagalang naman aniya ng Malacañang ang mga opinyon ng ilang mambabatas na dapat ay sibakin ng Pangulo si Faeldon.