Presidential Spokesperson Harry Roque at Senador Manny Pacquiao, absuwelto sa ‘quarantine breach’ batay sa report ng PNP ayon sa DILG

Wala umanong nilabag na quarantine protocols si Senador Manny Pacquiao sa naging aktibidad nito sa Agoncillo, Batangas noong November 26, 2020 at si Presidential Spokesperson Harry Roque sa Bantayan Island, Cebu noong November 27.

Ito ang nilalaman ng report ng fact-finding team ng Philippine National Police (PNP) kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año.

Ayon sa report, walang naitalang confirmed case ng COVID-19 bago at pagkatapos ng nangyaring pamamahagi ng relief goods ni Senador Pacquiao sa mga residente na naapektuhan ng pagputok ng Taal Volcano sa Agoncillo, Batangas.


Tiniyak naman ng mga local government officials na naipatupad ang health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at faceshield at inayos din ang pagitan ng mga upuan para sa social distancing.

Hindi na rin pinalapit pa ang senador sa mga tao at pinaikli lang ang oras ng nangyaring programa

Lumitaw naman sa report ng Police Regional Office 7 na nasunod ang health protocols sa aktibidad na dinaluhan ni Roque sa Bantayan Island, Cebu.

Pero, dahil umano sa malakas na buhos ng ulan ay nagkaniya-kaniyang silong ang mga tao kung kaya’t nasira ang physical distancing protocols.

Pinauwi rin agad ang mga tao dulot ng pagbuhos ng ulan.

Wala rin umanong naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa lugar.

Payo ni DILG Chief sa mga government officials, na maging huwaran ng pagsunod sa health protocols at dapat ding sumunod sa rekomendasyon ng pulis sa lugar upang hindi na maulit ang insidente.

Facebook Comments