Presidential Spokesperson Harry Roque, kinantyawan at pinasaringan ng ilang mga kongresista dahil sa pahayag nito na nalamangan ng Pilipinas ang UP experts sa bilang sa COVID-19 cases

Nakatikim ng kantyaw sa ilang mga kongresista si Presidential Spokesperson Harry Roque matapos nitong sabihin na natalo ng Pilipinas ang forecast ng mga eksperto mula sa University of the Philippines (UP) na aabot sa 40,000 ang kaso ng confirmed COVID-19 cases sa bansa hanggang sa katapusan ng Hunyo 2020.

Giit ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat, hindi na nahiya at napaka-insensitive ng pahayag ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ipinaalala ng kongresista kay Roque na patuloy pa rin ang pagtaas ng Coronavirus Disease sa Pilipinas.


Kung ang pagbabatayan aniya ay ang tracker ng Department of Health (DOH), hanggang noong June 28, 2020 ay nasa mahigit 46,000 na indibidwal ang positibo sa virus pero nasa 36,438 lamang ang validated.

Dagdag pa ng mambabatas, sa katunayan ay pangatlo ang bansa sa pinakamataas na kaso ngayon sa Southeast Asia at pangalawa sa nagtatala ng pinakamaraming casualty sa COVID-19.

Pasaring pa ng mambabatas na hirap nang lunukin ng administrasyon ang katotohanan na napakarami pa ring backlog pagdating sa COVID-19 testing.

Facebook Comments