Inulan ng batikos si Presidential Spokesperson Harry Roque dahil sa naging komento niya sa lumabas na survey ng Social Weather Stations (SWS).
Nabatid na naitala sa survey ang pinakamataas na adult joblessness rate sa bansa sa loob ng halos tatlong dekada na nasa 45.5% o nasa 27.3 million individuals na nawalan ng trabaho.
Ayon kay Roque, ikinagagalak niya ang resulta dahil hindi umabot sa 100% ang nawalan ng trabaho.
Ipinapakita lamang aniya ito na matatag pa rin ang mga Pilipino sa gitna ng pandemya.
Para kay House Assistant Minority Leader at ACT Teachers Representative France Castro, pawang kabaliwan ang naging komento ni Roque.
Hindi aniya simpleng mga numero ang mga datos na ito kundi buhay at kabuhayan ng mamamayang Pilipino.
Dagdag pa ni Castro, patunay raw ito ng pagbabalewala ng kasalukuyang pamahalaan sa kalagayan ng mga Pilipino.
Sinabi naman ni Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) President Luke Espiritu, malaking insulto ito higit 27 milyong Pilipinong nawalan ng trabaho.
Aniya, “stupid” at “revolting” ang kaniyang “toxic positivity.”
Binanatan din ng Defend Jobs Philippines ang pahayag ni Roque kung saan patunay lamang ito kung paano tinatrato ng pamahalaan ang labor force.