Itinanggi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na may kinalaman siya o si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa pagpapaalis kay Dr. Tony Leachon bilang Adviser ng National Task Force (NTF) against COVID-19.
Ayon kay Roque, wala siyang kapangyarihan para utusan ang kahit sino na umalis o mag-resign, taliwas sa naunang pahayag ni Leachon.
Aniya, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nakapansin sa pagsasalita ni Leachon sa publiko na kumukuwestiyon sa mga datos ng DOH kaugnay sa COVID-19.
Giit pa ni Roque, walang itinatago ang DOH gaya ng pahayag ni Leachon hinggil sa mabagal at hindi umanong accurate na datos sa tunay na sitwasyon ng COVID cases sa bansa.
Nauna nang sinabi ni NTF Chief Implementer Carlito Galvez Jr. na pinakawalan si Leachon dahil sa kanyang “preemptive” na pagpapalabas ng ilang impormasyon na nag-jeopardized sa komunikasyon sa pagitan ng Coronavirus task forces.