Presidential Task Force on Media Security, kinondena ang ginawang pananambang sa isang radio broadcaster sa Cotabato City

Mariing kinokondena ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang pagpatay sa isang radio broadcaster na nagsisilbi ring Islamic missionary sa Cotabato City.

Ayon kay PTFoms Executive Director Paul Gutierrez, hindi katanggap-tanggap ang nangyari kay Mohammad Hessam Midtimbang na radio host ng “Bangsa­moro Darul Ifta” na radio program ng Gabay Radio 97.7 FM.

Aniya, walang kabuluhan ang ganitong pagkilos at ang isang uri ng karahasan ay walang lugar sa lipunan.


Matatandaan na pinagbabaril ang biktima habang pasakay sa kanyang itim na sasakyan sa Brgy. Rosary Heights ng nabanggit na lungsod.

Nasa anim na tama ng bala sa ulo at katawan ang naging dahilan ng agarang pagkamatay ng biktima.

Kaugnay nito, sinabi ni Gutierrez na nakipag-ugnayan na siya sa PNP para sa pag-usad ang isinasagawang imbestigasyon at sa 6th Infantry Division ng Philippine Army para sa suporta sa pangangalap ng karagdagang impormasyon na makakatulong sa pagpapabilis ng pagresolba ng kaso.

Hihintayin naman ng PTFoMS ang resulta ng imbestigasyon para malaman kung may koneksyon sa trabaho ng biktima bilang isang radio anchor ang ginawang pagpaslang.

Facebook Comments