Manila, Philippines – Nakikipag-ugnayan na ang Presidential Task Force on Media Security sa mga otoridad para sa mabilis na pagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng nangyaring pagpatay kay Jupiter Gonzales.
Si Gonzales ay kolumista sa Remate at sinasabing kritiko ng iligal na sugal na talamak sa mga peryahan.
Ayon kay PTFMOS Executive Director Undersecretary Joel Egco, mariin nilang kinokondena ang panibago na namang pagpatay sa isang kagawad ng media habang tiniyak nitong kanilang tututukan ang mga isasagawang imbestigasyon ng mga otoridad.
Sinabi ni Egco na anumang anyo ng media violence ay kanilang itinuturing na work-related hanggang sa magkaroon ng linaw sa kung ano ang posibleng motibo ng pagpaslang.
Matatandaang si Gonzales ay idineklarang dead on arrival habang ang kasama nitong isang Christopher Tiongson ay namatay on the spot matapos pagbabarilin kamakalawa ng gabi sa Arayat, Pampanga ng hindi pa nakikilalang mga salarin.