Press Conference ng Suspendidong Mayor ng Nagtipunan, Kinuwestyon ng Oposisyon

Cauayan City, Isabela- Kinuwestyon ng oposisyon ang pagdaraos ng Press Conference ng kampo ng sinuspindeng alkalde ng Nagtipunan, Quirino na si Nieverose Meneses matapos umanong lumabag sa umiiral na health protocol na ipinapatupad ng IATF.

Mismong si Brgy. Kagawad Beltran Almendral ang kumukwestyon ngayon dahil sa ilan umanong paglabag ng kampo ni Meneses matapos itong daluhan ng humigit kumulang 500 katao na ang iba ay wala umanong suot-suot na face mask, face shield at social distancing.

Bagama’t sarado pa aniya ang turismo sa Nagtipunan ay tila pinahintulutan umano ng kampo ng alkalde ang pagpapatuloy sa mga dumalong taga-suporta nito sa kabila ng inihaing suspension order laban sa kanya.


Samantala, iginiit ni Almendral na gobyerno ang nagpaaral sa sinuspindeng Tourism Officer na si Loyd Tolloy taliwas sa ipinangangalandakan umano ng kampo ng alkalde na mismong ang kanyang pamilya ang nagpaaral dito.

Itinanggi naman ng oposisyon na namumulitika sila dahil kitang-kita umano ang anomalya ng kampo ni Meneses gaya na lamang ng isinampang kaso sa Ombudsman na “unlimited cash advance” at ang hindi umano makataong pagsuspinde sa Tourism officer at ang pag-uutos umano na mag-opisina si Loyd Toloy sa isang kweba na hindi naman umano accessible ng road.

Tinawag din ni Almendral na “drama” ang umano’y sinasabing pamumulitika ng suspendidong alkalde makaraang magdaos ito ng pagtitipon para sa hinihinging hustisya.

Facebook Comments