Manila, Philippines – Nababahala ang mga taga oposisyon sa ginawa ng Securities and Exchange Commission na pagpapasara sa online news site na Rappler.
Ayon kay Akbayan Rep. Tom Villarin, isang matinding pangungutya sa kalayaan sa pamamahayag ang ginawa ng SEC sa Rappler.
Matapos ang Oplan Tokhang, sunod naman aniyang pinapatay ngayon ang paghahatid ng katotohanan na maaaring mangyari din sa ibang media entity lalo na kung nakikitang hindi ito palaging pumapabor sa pamahalaan.
Ang press freedom din aniya ay patunay sa pagiging malaya ng isang bansa at ang paggiit sa karapatang ito ay salig din sa Konstitusyon.
Samantala, hinimok naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang lahat pati na ang media na manindigan para sa karapatan sa pamamahayag hindi lamang ng Rappler kundi ng lahat ng mga taga media.