Cauayan City – Iniinda ngayon ng ilang mga magsasaka sa lungsod ng Cauayan ang mababang presyo ng kanilang inaning mais.
Sa naging panayam ng IFM News Team kay Ginoong Roland Gonzaga, dahil sa mga naranasang mga pag-ulan noong mga nakaraang linggo dulot ng bagyo, hindi nila nagawang maibilad ng maayos ang kanilang mga inaning produkto.
Dahil dito, ang ilan sa mga ito ay bumaba ang kalidad dahil sa pangingitim na naging sanhi rin upang mas bumaba ang presyo nito sa merkado.
Aniya, sa ngayon ay nasa P14-P15 na lamang ang presyo sa kada kilo nito kaya naman talagang lugi umano sila dahil mahirap na mabawi ang halaga ng puhunan na kanilang inilabas.
Gayunpaman, nagpapasalamat pa rin si Ginoong Gonzaga dahil kahit papaano ay mayroong tulong na ibinigay ang Pamahalaang Panlungsod ng Cauayan sa mga magsasaka na maaari nilang magamit bilang panimula sa pagtatanim.