Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginang Mary Ann Somera, owner ng isang Mini Mart sa Palengke, wala pa aniyang paggalaw sa presyo ng kanilang tinitindang asin ngayon subalit aasahan na aniya ang pagtaas sa mga susunod na Linggo.
Sinabi nito na bagamat nagtaas presyo na rin sa asin ay hindi pa nila ito ipatutupad dito sa Lungsod para mabigyan muna ng alokasyon ang mga vendor at mamimili bago nila ito tuluyang itaas ang presyo.
Ayon kay Ginang Somera, pagkatapos ng dalawang Linggo ay tataas na sa presyong 350 pesos ang per sako ng asin mula sa dating presyo na 300 pesos kada sako.
Magiging mahigit P20 per kilo naman ang presyo ng Pangasinan salt o buhaghag na asin habang magiging mahigit P15 per kilo naman sa iodized salt o pinong asin.
Sa ngayon ay nananatili muna sa P20 pesos per kilo ng buhaghag na asin habang P15 naman sa pinong asin.
Sapat din umano ang supply ng asin sa Lungsod ng Cauayan na kung saan higit na tinatangkilik ng mga mamimili ang iodized salt kumpara sa buhaghag na asin.
Ayon pa kay Ginang Somera, kadalasan aniyang dahilan ng pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin ay ang pagtaas rin ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ikinalulungkot naman nito ang kanilang matumal na bentahan na ramdam ngayong buwan ng Agosto dahil na rin sa sabay-sabay na pagsipa ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Nananawagan naman ito sa mga kinauukulan at sa ating Pangulo na dapat matugunan na ang mga kasalukuyang kinakaharap na problema gaya na lamang ng walang patid na pagtaas-presyo ng mga bilihin.