Manila, Philippines – Kinalampag ni Senator Bam Aquino ang Department of Agriculture o DA at Department of Trade and Industry o DTI para tutukan ang tumataas na presyo ng asukal sa kabila ng matatag na supply at mababang mill gate prices nito.
Ayon kay Senator Bam, dapat imbestigahan ng DA ang akusasyon na may nangyayaring manipulasyon sa likod ng pagtaas ng presyo ng asukal sa antas ng wholesale at retail.
Giit naman ni Senator Bam sa DTI pakilusin ang Price Coordinating Council, na pinamumunuan nito, para maprotektahan ang consumers sa hindi makatwirang pagtaas ng presyo ng asukal.
Para kay Senator Bam, dapat magsanib puwera ang DA at DTI sa pagsilip sa umano’y manipulasyon sa presyo ng ilang traders at retailers sa kabila ng matatag na farm gate price mula sa sugar mills.
Diin ni Aquino, dapat gawan ng paraan ng gobyerno na matigil ang pagtaas ng halaga ng asukal, na nasa P60 kada kilo na ngayon sa merkado.
Una nang iginiit ni Senator Bam, na ang walang humpay na pag-aangkat ng asukal ay hahantong sa pagkamatay ng industriya ng asukal at makakaapekto sa kabuhayan ng maraming magsasaka.