Presyo ng baboy, manok at itlog, bahagyang tumaas sa Divisoria

Bahagyang tumaas ang presyo ng kada kilo ng laman ng baboy, manok at itlog sa Divisoria Market sa Maynila.

Ang dating P270.00 kada kilo ng laman ng baboy ay mabibili na sa halagang P280.00 habang ang dating P300.00 na kada kilo ng liempo ay umaabot na sa P320.00.

Ang kada kilo naman ng manok ay pumapalo sa P140 – P150.00 kada kilo na dati ay makukuha sa halagang P120 – P130.00 kada kilo.


Nagmahal rin ng P10 hanggang P20.00 ang kada tray ng itlog na ngayon ay nasa P230.00 ang small, P240.00 ang medium at P250 ang large.

Ang isang piraso naman ng itlog ay P7.00 ang maliit habang P8.00 ang large kung saan mayroon din binebenta na anim na piraso sa halagang P50.00.

Paliwanag ng mga tindera, iniipit daw ng mga supplier ang itlog kaya nagmamahal.

Nabatid na ang suplay ng manok ay kinukuha lamang sa may bahagi ng Blumentritt habang ang baboy at itlog ay mula sa Southern at Central Luzon.

Facebook Comments