Bumagsak sa PHP80 hanggang PHP100 kada kilo ang presyo ng bangus sa Dagupan City nitong Martes, Nobyembre 11, mula sa dating PHP150 hanggang PHP200 bago tumama ang Bagyong Uwan.
Ayon sa mga nagtitinda, ang pagbaba ng presyo ay resulta ng biglaang pagdami ng suplay matapos umapaw ang ilang fishpond sa lungsod dahil sa malakas na ulan at hangin.
Maraming fishpond operator ang napilitang ilabas ang kanilang huling ani upang maiwasang masayang ang mga isda.
Dahil dito, nagdagsaan sa mga pamilihan at maging sa mga gilid-kalsada ang mga nagbebenta ng bangus sa mas mababang halaga.
Marami ring mamimili ang nagsamantala sa bagsak-presyo upang makapag-imbak ng isda para sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Inaasahang mananatiling mababa ang presyo sa mga susunod na araw habang nagpapatuloy ang paglabas ng suplay mula sa mga apektadong palaisdaan.
Samantala, iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang lawak ng pinsalang idinulot ng bagyo sa sektor ng agrikultura, partikular sa mga fishpond operator at magsasaka sa Pangasinan, upang matukoy ang kinakailangang suporta at tulong.











