Tumaas pa sa P250 ang kada kilo ng bangus sa Dagupan City dahilan umano ng matumal na bentahan sa kasalukuyan.
Sa panayam sa isang consignacion owner sa Magsaysay Fish Market, dahilan umano ng kaunting semilya ng bangus na pinapalaki sa mga palaisdaan at patuloy na epekto ng mga nagdaang bagyo kaya tumaas pa ang presyo ng produkto.
Nasa P10 umano ang kadalasang tapyas at dagdag sa presyo kung may pagbaba man kada araw.
Sa kanilang pagtatala, ito na umano ang pinakamataas na naging presyo ng bangus malayo sa dating mahal na presyohan na nasa P200 lamang.
Dahil dito, umaaray ang ilang bangus vendors dahil mailap ang mga mamimili sa taas ng presyo ng bangus.
Sa ibang mga bayan tulad ng Mapandan, umaabot ng P300 ang kada kilo ng bangus Dagupan.
Nakaabang pa rin umano ang mga ito sa magiging lagay sa presyo ng bangus ngayong paparating ang Yuletide season kung kailan madalas ay mataas ang demand sa produkto. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









