Presyo ng bigas at itlog, nananatiling mataas

Ipinaalam ng Department of Agriculture (DA) sa Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga ang nanatiling mataas na halaga ng bigas at itlog ng manok sa mga lokal na pamilihan.

Bunsod nito ay nabahala at nadismaya ang mga kongresista na hindi natupad ang inaasahang paghupa ng presyo ng bigas pagkatapos ng anihan.

Paliwanag ni National Food Authority (NFA) Chief Roderico Bioco, hindi gaanong bumaba ang presyo ng bigas dahil sa naging kakulangan ng produksyon noong 2021 at 2022, gayundin ang paggamit ng mga magsasaka ng kokonting pataba at ang anunsyo ng Indonesia na bibili ito ng 2 milyong tonelada ng bigas.


Binanggit ng Bioco na ngayong buwan ay inaasahang darating ang biniling bigas ng Pilipinas mula India.

Diin ni Bioco, sa ngayon mahalaga na magkaroon ng stable na suplay ng bigas ang bansa para maging stable din ang presyo nito sa pamilihan.

Isinagawa ang pagdinig matapos bumisita sina Speaker Ferdinand Martin Romualdez at House Deputy Majority Leader for Communications at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo sa Farmers Market sa Cubao, Quezon City kung saan napansin nila na may kamahalan pa rin ang bigas.

Ikinatuwa naman ni Nueva Ecija Rep. Ria Vergara ang sinabi ni DA Undersecretary Leocadio Sebastian na mas kumita ang mga magsasaka sa katatapos na anihan kumpara noong mga nakaraang taon.

Pero nakababahala para kay Vergara na ang mga kapitalista umano ang nagtatakda ng presyo.

Sa pagdinig ay nagpahayag naman si Congressman Tulfo ng pagkabahala sa mataas na presyo ng itlog ng manok na mahalagang pagkain ng mga Pilipino.

Sabi naman ni Philippine Egg Board Association President Francis Uyehara, ang paglitaw ng bird flu ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo ng itlog ng manok sa mga nakaraang buwan.

Facebook Comments