Presyo ng bigas, inaasahang bababa ng hanggang limang piso sa mga susunod na buwan — DOF

Umaasa ang pamahalaan na bababa ng hanggang limang piso ang presyo ng bigas sa mga susunod na buwan.

Ito ay kapag ibaba na ang taripa sa bigas sa labinglimang porsyento mula sa kasalukuyang tatlumpu’t limang porsyento batay sa Executive Order (EO) No. 62.

Ayon sa Department of Finance, nakasaad din sa EO ang pagbabawas ng taripa sa mais, karneng baboy at iba pang karne hanggang sa 2028.


Layon nitong makontrol ang food inflation at mapalakas pa ang food security sa bansa.

Ilan pa sa ginagawang hakbang ng pamahalaan para makontrol ang food inflation ay ang pagpapalabas ng Administrative Order No. 20. ng Department of Agriculture para ayusin ang sistema ng importasyon at magpatupad ng streamlining sa mga proseso.

Inaasahan namang pagsapit ng Agosto ay makakaabot na ang murang bigas na bahagi ng Bigas 29 program sa mga Kadiwa sites sa Visayas at Mindanao.

Noong nakaraang buwan, umakyat pa sa 6.5% ang food inflation mula sa 6.1% noong Mayo.

Facebook Comments