Nanatiling matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa Dagupan City ilang linggo matapos ideklara ang state of calamity noong Setyembre 27 dahil sa pagbaha dulot ni Bagyong Nando.
Ipinatutupad ng Department of Trade and Industry (DTI) ang price freeze upang mapanatiling abot-kaya ang mga produktong gaya ng de-lata, kape, sabon, asukal, gatas, instant noodles, at bottled water.
Ayon sa DTI, tatagal ng 60 araw o hanggang Nobyembre 26 ang price freeze sa lungsod, alinsunod sa Republic Act No. 7581 o Price Act.
Patuloy ang inspeksyon ng ahensya sa mga pamilihan, habang binalaan ang mga negosyanteng lalabag na maaari silang multahan ng hanggang ₱1 milyon o makulong.
Hinimok din ng DTI ang publiko na ireport ang anumang kaso ng overpricing sa kanilang tanggapan sa Arellano Street o sa email na R01pangasinan@dti.gov.ph.









