Presyo ng diesel at gasolina, bababa kung hahaluan ng mas maraming biofuel – senador

Iminungkahi ni Senador Imee Marcos sa Department of Energy (DOE) na payagan na haluan ng mas maraming bioethanol ang gasolina at diesel para bumaba ang presyo nito.

Suhestyon ito ni Marcos, habang natengga ang mga mambabatas sa debate sa pagsuspinde sa fuel excise tax para maibaba ang presyo ng produktong petrolyo sa bansa.

Tinukoy ni Marcos na sa ilalim ng Biofuels Act of 2006 ay inoobliga ang mga kumpanya ng langis na maglabas ng supply ng gasolina na may halong 10% ng bioethanol.


Pero giit ni Marcos na pwedeng magrekomenda ang National Biofuels Board na taasan pa ang ‘minimum na requirement’ alinsunod sa pagpayag ng kalihim ng DOE.

Sa pagtaya ni Marcos, ang presyo ng gasolina ay pwedeng mapababa sa ₱3.60 kada litro kung mas dadamihan ang ihahalong biofuel mula 15% hanggang 20% – na lebel na ligtas para sa mga sasakyang ang model ay mula 2001.

Kasabay nito ay hiniling din ni Marcos sa Department of Agriculture (DA) na isulong sa pagsasaka ang produksyon ng bioethanol.

Sabi ni Marcos, hindi lang ito kasagutan sa limitadong lokal na supply ng bioethanol at mataas na halaga ng fuel, kundi makakatulong din sa pagpapalawak ng trabahong mapapasukan sa mga lalawigan gayundin sa paggamit ng green energy.

Facebook Comments