
Nagbabala ang Department of Energy (DOE) na kapag nagtuloy-tuloy ang gulo sa Middle East ay posibleng umakyat ang presyo ng kada litro ng diesel sa higit ₱80 ngayong buwan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, paulit-ulit na pinalilinaw ni Senate Committee on Foreign Relations Chairman Erwin Tulfo kung hanggang magkano ang aabutin ng presyo ng kada litro ng diesel lalo’t may naunang mga ulat na posibleng tumaas pa ito ng husto.
Ayon kay DOE Oil Management Bureau Director Rino Abad, posibleng higit ₱80 kada litro ang maging presyo ng diesel kung isang bagsakan ito ipapatupad ng mga oil companies pero kung staggered o uutay-utayin ay hindi ito aabot kaagad sa nasabing presyo.
Bagama’t ayaw mag-project ng eksaktong halaga ni Abad, sinabi niyang posibleng mas malala pa sa epekto ng mataas na presyo sa langis na dulot ng giyera sa Ukraine-Russia ang gulo sa Middle East.
Samantala, pinangangambahan naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mauwi sa protracted war o tumagal ng apat hanggang walong linggo ang tensyon sa Gitnang Silangan matapos na tanungin ni Senator Kiko Pangilinan kung hanggang kailan ang inaasahang itatagal ng giyera.
Ayon kay DFA Assistant Secretary Germina Aguilar-Usudan, batay sa mga impormasyon at pagtaya na kanilang nakuha, posibleng tumagal ng hanggang walong linggo ang giyera dahil handa pang umatake ang US sa Iran at gusto pa ni US President Donald Trump na mayroon siyang parte sa pagpili ng susunod na lider ng Iran.










