
Umapelang muli si Senator Erwin Tulfo sa Department of Tourism (DOT) na ibaba ang presyo ng domestic flight tickets dito sa bansa.
Sa naunang debate sa DOT budget ay tinukoy ni Tulfo na mas gusto pa ng mga kababayan na magtungo sa Hong Kong o Taiwan dahil mas mahal pa ang one-way ticket na eroplano sa Batanes o kaya ay sa Tawi-Tawi kumpara sa round-trip ticket pa-Hong Kong.
Iginiit ni Tulfo na ang mahal na singil sa domestic airfare ang tinukoy na pangunahing hadlang sa paglakas ng turismo sa bansa.
Sa mga bansa sa Southeast Asia, ang Pilipinas ang nasa dulo pagdating sa international tourist arrivals.
Batay sa datos, mula Enero hanggang Agosto 2025 ay nakapagtala ang Pilipinas ng 3.96 million ng international tourist arrivals, malayo ito sa Malaysia na 28.24 million, Thailand na nasa 21.88 million, Vietnam na 12.9 million, Singapore na 11.6 million at Indonesia na 10.04 million.
Iminungkahi rin ni Tulfo ang paglikha ng direct flights sa mga probinsya sa bansa at ang mas malawak na promotion ng mga maituturing na underrated na lalawigan tulad ng Marinduque, at iba pa.









