Mas mababa sa price monitoring ng Department of Trade and Industry (DTI) ang halaga ng face masks na binili ng PS-DBM sa Pharmally Pharmaceutical Corp.
Sa motu proprio inquiry ng House Committee on Good Government and Public Accountability, pinaisa-isa ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel ang price monitoring ng DTI bago magpandemya.
Ayon kay DTI Asec. Anne Claire Cabochan, Enero pa lamang ng 2020 nang pumutok ang Bulkang Taal ay nagsimula na ang DTI sa pagbabantay sa presyo ng face masks.
Itinuloy aniya ng Fair Trade Enforcement Bureau ng DTI ang price monitoring sa face mask nang magsimula ang pandemya noong Marso 2020.
Pero paglilinaw ni Cabochan, ang Department of Health (DOH) at hindi ang DTI ang nagtakda ng price ceiling para sa face masks.
Batay aniya sa kanilang price monitoring noong nakaraang taon, ang price range ng bawat N95 ay naglalaro sa P105 hanggang P120.
Samantala ang N88 (surgical mask) ay mas mababa rin ang presyong nabili sa Pharmally kung ikukumpara sa market at world market price at kahit maging sa itinakdang presyo ng DOH.
Giit ni Pimentel, hindi hamak na mababa at risonable naman noon ang P27.72 per face masks na presyong nakuha ng PS-DBM sa Pharmally kumpara sa namomitor na presyo ng DTI noong kasagsagan na kasisimula pa lang ng COVID-19 pandemic.