Kapit mga motorista!
Posibleng sumalubong sa susunod na linggo ang taas-presyo ng gasolina at kerosene.
Habang, hindi pa tiyak kung may pagbaba o pagtaas sa presyo ng diesel.
Ayon kay Department of Energy – Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) Director Atty. Rino Abad, batay sa apat na araw na trading price ay posibleng tumaas ang presyo ng gasolina sa P0.91 kada litro, habang nasa P1.38 kada litro naman ang kerosene.
Posible naman nasa P0.28 kada litro ang tapyas sa presyo ng diesel.
Paliwanag ni Abad, ito ay dahil sa pagsipa ng presyo ng imported na petrolyo sa world market.
Samantala, inihayag din ni Abad na mahigpit ang supply at demand ng langis ngayong Nobyembre at Disyembre dahil sa pagbabawas ng produksyon ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) kung kaya’t asahan pa ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.