Presyo ng gulay, nakaambang tumaas dahil sa mainit na panahon

Nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) na posibleng tumaas ang presyo ng gulay sa bansa ngayong panahon ng tag-init.

Ayon kay Undersecretary Ruth Castelo – malaki ang posibilidad na humina ang produksyon ng gulay sa bansa na posibleng maging dahilan ng pagsipa ng presyo nito sa merkado.

Kabilang aniya sa mga nakalatag na solusyon ay ang irigasyon na titiyak sa sapat na supply ng tubig sa mga sakahan at maiwasan na mamatay ang mga tanim dahil sa mainit na panahon.


Kasabay nito, tumaas ang presyo ng manok at ilang klase ng isda sa ilang pamilihan.

Pero giit ni Castelo, mababa ang farm-gate price ng manok kaya dapat mababa rin ang presyo nito sa merkado.

Napuna rin ni Castelo ang mataas na presyo ng asukal.

Bagaman walang Suggested Retail Price (SRP) ang asukal, sinabi ni Castelo, na ang price guide nito ay nasa 50 pesos kada kilogramo sa puti at 45 pesos kada kilogramo sa brown.

Tiniyak ng DTI na mahigpit ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Department of Agriculture (DA) para mas maging epektibo ang kanilang monitoring sa presyo ng mga produktong pang-agrikultura na ibinebenta sa merkado.

Facebook Comments