Nagbabala na ang Department of Trade and Industry na posibleng sumipa pataas ang presyo ng gulay sa bansa ngayong tag init.
Sa briefing sa Malacañang ay sinabi ni Trade Undersecretary Ruth Castelo na dahil sa mainit na panahon na palalakasin pa ng El Nino phenomenon ay malaki ang posibilidad na humina ang produksyon ng gulay sa bansa.
Ito aniya ang dahilan ng posibleng pagtaas ng presyo nito sa merkado.
Sinabi ni Castelo na sa nagpapatuloy ang convention ng National Price Coordinating Council ay kabilang sa tinatalakay ang mga hakbang ng Pamahalaan para mapaghandaan ang epekto ng el nino sa mga produktong pang agrikultura at presyo nito.
Kabilang aniya sa mga nakalatag na solusyon ay ang irigasyon na magtitiyak na mayroong sapat na supply ng tubig sa mga sakahan at maiwasan na mamatay ang mga tanim dahil sa mainit na panahon.
Tiniyak din naman ni Castelo na mahigpit ang kanilang pakikipagugnayan sa Department of Agriculture upang mas maging epektibo ang kanilang monitoring sa presyo ng mga produktong pang-agrikultura na ibinebenta sa merkado.