Ikinababahala ng mga mamimili at ilang negosyante ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gulay sa ilang pamilihan sa Metro Manila.
Partikular dito ang pagtaas ng presyo ng sibuyas na pumalo na sa P220 kada kilo, mula sa dati nitong presyo na P190.
Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng puting sibuyas ay ang pagkaubos ng lokal na produksyon nito.
Dahil dito, iminungkahi ng grupo ang pag-aangkat ng sibuyas kasunod na rin ng mga ulat na may ipinupuslit na puting sibuyas papunta sa Luzon.
Samantala, tumaas na rin ng P100 ang presyo ng kada kilo ng carrots, mula sa dating P80 hanggang P90 sa ilang palengke sa Maynila.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), ito ay dahil naantala ang pagbiyahe ng gulay mula Benguet dahil sa lindol sa Abra nitong nakaraang linggo.
Kaugnay nito ay inaalam na rin ng kagawaran ang problema sa pagdoble at tripleng pagtaas ng presyo ng mga gulay kahit mababa naman ang farm gate price ng mga magsasaka sa Benguet trading post.