Dalawang linggo matapos ang pananalasa ng Bagyong Uwan, ramdam sa mga pamilihan sa Pangasinan ang pagtaas ng presyo ng gulay dahil sa pagbaba ng supply, pareho sa highland at lowland vegetables.
Ayon kay Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) Chairman Rosendo So, maraming taniman ang nasira kaya kapos ang ani at tumaas ang presyo sa merkado.
Nananatili namang sapat ang supply ng karne ng baboy at manok, habang ang presyo ng bangus, na bumaba agad pagkatapos ng bagyo, ay muli namang tumaas dahil sa pinsala sa mga fishpen at pagbaba ng lokal na produksyon.
Hindi rin gaanong naapektuhan ang sektor ng palay dahil nasa 90% na ng kabuuang taniman ang na-harvest bago tumama ang bagyo.
Gayunman, binigyang-diin ni So na patuloy na suliranin ang pagkaantala sa distribusyon ng pataba sa Region 1.
Ilang fertilizer na dapat umanong naipamahagi noon pang Hunyo ay hindi pa rin natatanggap ng mga benepisyaryo kahit nakalaan na ang pondo mula sa Department of Agriculture (DA).
Umaasa naman ang mga magsasaka na agad maresolba ang isyu upang hindi maantala ang kanilang operasyon at makatulong sa pagbangon ng agrikultura sa lalawigan.









