Tumaas na ang presyo ng litson sa bahagi ng La Loma, Quezon City ilang araw bago ang nalalapit na Kapaskuhan.
Ang sampung kilo ng litson na dati ay mabibili lamang sa halagang 5,000 piso ngayon ay tumaas na sa mahigit 6,500 piso na.
Ayon sa mga nagtitinda ng litson – dahil ito sa patuloy na pagtaas ng presyo ng baboy sa ilang mga probinsya maging ang mataas na demand tuwing nalalapit ang Noche Buena.
Samantala, tumaas na rin ang presyo ng hamon sa Quiapo kung saan ang kada kilo ng bone in ham ay nasa 1,400 pesos na habang naglalaro naman sa mahigit 1,360 hanggang 1,500 pesos ang kada kilo ng sliced ham.
Nasa 1,300 pesos naman ang kada kilo ng scrap ham habang 1,280 pesos ang presyo sa kada kilo ng walang buto na ham.
Dahil dito, asahan pa na mas tataas pa ang mga presyo ng Noche Buena item lalo at apat na araw nalang ay Pasko na!